Barbie, nahiya kay Kathryn dahil sa mga tsismis tungkol sa kanila ni Daniel

Barbie, nahiya kay Kathryn dahil sa mga tsismis tungkol sa kanila ni Daniel

Barbie, nahiya kay Kathryn dahil sa mga tsismis tungkol sa kanila ni Daniel

Sa wakas ay tinuldukan na ng aktres na si Barbie Imperial ang mga kumakalat na tsismis sa kanya at sa aktor na si Daniel Padilla.

Naging laman kasi ng usap-usapan kamakailan ang ginawang pagbisita ng aktres sa bahay nila Daniel, na naging mitsa ng tsismis na hiwalay na umano ang aktor sa matagal nang ka-loveteam at karelasyon nitong si Kathryn Bernardo.

Itinuwid ni Barbie ang mga haka-haka at sinagot ang mga kinasangkutang kontrobersiya tungkol sa kanya sa pamamagitan ng isang vlog sa kanyang Youtube channel.

“Ngayon ko lang yata sasagutin ito kasi nanahimik talaga ako. As in noong time na ‘yon, nung nangyari ang tsismis na ‘yon siyempre nahiya ako unang-una kay Kath kasi ano ang iisipin niya ganito-ganyan,” panimula ng aktres.

“Pumunta ako ng bahay ni Tita Karla, kasi first, kaibigan ko si Tita Karla at si Magui ay kaibigan ko rin. At nung pumunta ako noon, sobrang  kaka-break lang namin actually ni Diego (Loyzaga) nu’n. And ang mga kaibigan ko talaga na pinupuntahan, sina Ate Ara (Mina), ayun,isa rin si Tita Karla.

“So pumunta ako kay Tita Karla kasi wala si mama rito. Ayaw ko kasi na kapag kaka-break ko lang, emotional ako, pupunta ako ng gimikan, iinom, hindi ganu’n. Parang lalapit ako sa parang mom talaga mag-advice. And para fair ‘yung advice. Si Tita Karla kasi kilala niya rin si Diego, anak-anakan niya rin si Diego,” paliwanag ni Barbie.

“So pumunta ako doon na wala nga si DJ doon. Wala si Daniel doon. Ang nandoon lang ay si Tita Karla, ibang family ni Tita Karla, si Magui. Nandoon din ang Beks Battalion. So for me, parang ‘talaga ba kung may gagawin akong masama nandoon ‘yung Beks Battalion, nasa vlog pa ako, ang bobo ko naman.’ So wala, walang walang truth ‘yon. And nirerespeto ko kung ano ang meron sina Kath and DJ,” dagdag na paglilinaw pa nito.

Itinanggi rin niyang may yakapang naganap sa pagitan nila ni Daniel para damayan siya sa naging breakup sa aktor na si Diego Loyzaga.

“Saan galing ito? No, not true, hindi. Actually wala akong ma-explain kasi ngayon ko lang nalaman ‘yung about this tsismis, pero hindi, hindi totoo,” aniya.