Darren, Naging Malaking Parte na ng PBB Celebrity Collab Edition!

Darren, Naging Malaking Parte na ng PBB Celebrity Collab Edition!

Darren, Naging Malaking Parte na ng PBB Celebrity Collab Edition!

Hindi man opisyal na housemate, naging mahalagang bahagi si Darren ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition ngayong taon, sa pamamagitan ng kanyang kantang “Paalam Muna Sandali," na nagsilbing opisyal na himig ng eviction night.
  

Simula nang gamitin ito bilang background song tuwing may housemate na umaalis sa bahay ni Kuya, mas lalong naging makabuluhan ang kanta, hindi lang para sa mga manonood, kundi para na rin sa mga housemates. 


Ayon kay Darren, hindi niya inaasahan na mag-iiwan ng ganitong impact ang kanta, lalo na at sa unang eviction pa lamang, naging viral agad ito.  


"Kaya talagang minadali ko pong i-record [ang 'Paalam Muna Sandali'] kasi sabi ko ay parang siya [AC Bonifacio] talaga [ang ma-e-evict],” biro ni Darren. 


Si AC Bonifacio, malapit na kaibigan ni Darren, ang kauna-unahang na-evict sa season kasama ang ka-duo niyang si Ashley Ortega. 



“Iconic moment din kasi 'yung 'Paalam Muna Sandali' ta's si AC 'yung unang naging meme sa eviction silang dalawa ni Ashley [Ortega],” dagdag niya. 


Ibinahagi rin ni Darren na hindi rin naging madali ang proseso ng pag-record ng kanta, dahil nasa ibang bansa pa siya noon, ngunit hinintay talaga siya ng Star Music producer-songwriter na si Jonathan Manalo, upang siya mismo ang magbigay-buhay sa awit.  


"Sinabi ko na: 'Sir Jon [Jonathan] baka hindi po talaga umabot, baka p'wedeng ibang artist na lang 'yung pakantahin n'yo...' ...but he really waited for me which I'm so grateful,” ani Darren. 


Shinare rin ni Darren na ilang beses nang inalok  sa kanya na pumasok sa bahay ni Kuya at maging opisyal na housemate, pero mas pinili ni Darren na manatili sa outside world.  


"This is the third time na ano po... tinanong ako from Star Magic, pero okay na po ako sa outside world,” sabi niya. 


“Tyaka na-experience ko nang pumasok sa bahay ni Kuya as a guest-judge and also as a guest-performer, pero siguro kung ano... houseguest, kung matutulog do'n for a night or two-nights why not," paglilinaw niya.


 Ngayong nalalapit na ang Big Night sa July 5, 2025, ramdam na rin ni Darren ang excitement at emosyon ng mga fans. Tila naging parte na rin siya ng edisyon, dahil sa kanta niyang naging simbolo ng pamamaalam at pagsisimula muli.  


"Ever since nalaman naming pumasok din si Esnyr parang isa rin siya sa mga sinusuportahan po namin, siyempre si Ate Klang [Klarisse De Guzman] nalungkot din kami [nu'ng na-evict],” aniya. 


Maghaharap sa huling gabi ng PBB Celebrity Collab Edition ang apat na final duos: sina Charlie at Esnyr (CharEs), AZ at River (AZVer), Brent at Mika (BreKa), at Ralph at Will (RaWi). Pero anuman ang resulta, isa sa hindi malilimutan ngayong season ay ang tinig ni Darren na nagsilbing boses ng bawat pamamaalam—“Paalam Muna Sandali.”