Fans at shoppers, dumagsa sa matagumpay na Closet Party ni Heart Evangelista

Fans at shoppers, dumagsa sa matagumpay na Closet Party ni Heart Evangelista

Fans at shoppers, dumagsa sa matagumpay na Closet Party ni Heart Evangelista


Tunay na naging matagumpay at puno ng saya ang unang araw ng Closet Party ni Heart Evangelista, kung saan libo-libong fans at shoppers ang dumagsa para makakuha ng pre-loved at brand-new pieces mula mismo sa closet ng fashion icon.

Bago pa man magbukas ang venue ng 10 a.m., mahaba na ang pila ng mga excited na dumalo—may mga bumiyahe pa mula Mindanao, Visayas, at iba’t ibang bahagi ng Luzon. Ang event ay tampok ang mga personal na gamit ni Heart at ng kanyang mga kaibigan, kabilang ang high-end luxury items, designer bags, sapatos, local fashion finds, at signature shades. May mga items na nagsisimula sa P200, habang ang iba ay umaabot ng P50,000.

Organisado ang event, may maayos na registration, maraming cashier stations, at malinaw na sectioning ng items ayon sa kategorya at presyo. Dahil sa dami ng shoppers, mabilis maubos ang mga tinitingnang piraso—lalo na ang mga designer bags na agad tinutukan ng mga fashionista at alta society fans.

Game na game ang mga well-dressed shoppers sa “mine” culture, nag-uunahan at nag-eenjoy sa pagpili ng kanilang mga bet na items. Marami ang namakyaw, at halos lahat ay masayang-masaya sa kanilang mga nabili. Isang fan mula Mindanao ang tuwang-tuwa nang makapagpa-selfie kay Heart, habang isang shopper mula Antipolo ang nagbahagi ng saya na marami siyang nabili at karamihan ay brand new pa.


Naging highlight din ng event ang impromptu “Styled by Heart” moment, kung saan personal na inayos ni Heart ang ilang items at nag-live-selling style sa harap ng crowd, ikinatuwa ng mga dumalo. Hands-on si Heart—mismong siya ang nagdo-double check ng items, nakikipag-selfie, at pumipirma ng ilang merchandise ng fans.

Naging parang fans’ day na rin ang Closet Party dahil sa dami ng supporters na nagkaroon ng pagkakataong makadaupang-palad ang kanilang idolo. Kahit nagkaroon ng build-up sa cashier lines, nanatiling maayos ang flow dahil sa dami ng cashier stations at sa mahusay na organisasyon ng team ni Heart.

Ayon sa insiders, ilang taon na ring ginagawa ang ganitong event, dating tinatawag na pre-loved bazaar pero mas bagay na ngayon ang “Closet Party” dahil marami sa mga gamit ay brand new, may tags pa, at nakaplastik pa.

Nagkaroon din ng second day para sa mga humabol matapos maubusan noong unang araw. Kaya payo ng mga nakadalo, kapag may nagustuhan ka, huwag nang palampasin—baka sa susunod, nakuha na ng iba!

Isang patunay ang Closet Party na hindi lang fashion icon si Heart Evangelista, kundi tunay na inspirasyon at paboritong shopping buddy ng kanyang fans.